Localized lockdown, ibinabala ng lokal na pamahalaan ng Maynila kapag tumaas ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19

Nagbabala ngayon si Mayor Isko Moreno sa publiko na posibleng magpatupad ang lokal na pamahalaan ng localized lockdown.

Ito’y sakaling tumaas muli ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Maynila.

Ayon kay Mayor Isko, hindi siya magdadalawang isip na magdeklara ng lockdown sa isang distrito o area sa lungsod kapag hindi napigilan ang pagkalat ng COVID-19.


Sinabi pa ng alkalde na base sa datos ng Manila Health Department, mayroon nang 357 na active cases sa lungsod ng Maynila.

Aniya, sakaling umabot na sa 1,000 ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 ay nakaka-alarma na raw ang sitwasyon kaya’t pinag-iingat niya ang lahat ng residente sa lungsod ng Maynila.

Base pa sa datos ng Manila Health Department, umabot sa 24,082 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Maynila, 23,030 ang nakarekober at nasa 695 ang nasawi habang nasa 56,468 na indibidwal naman ang sumailalim sa swab test.

Facebook Comments