Inihayag ng pamunuan ng simbahan ng Quiapo na sa December 27 pa ang opisyal na simula ng pagdalaw o localized traslacion ng Itim na Nazareno sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.
Pero ngayon pa lamang, dadalhin na ang isa sa imahen ng Itim na Nazareno sa Binangonan, Rizal.
Nabatid kasi na ayon sa samahan ng mga mamamasan sa Binangonan, kanila lamang tinutugon ang kahilingan ng parokya ng Sta. Ursula.
Kasalukuyan nang bumibiyahe ang grupo ng mga deboto patungong Binangonan kasama ang nasa 50 rider at 20 sasakyan na may escort na miyembro ng pulisya.
Mula naman ngayong araw, sisimulan na ang pagdalaw ng Itim na Nazareno sa Binangonan at bukas ay magkakaroon ng grand procession sa nasasakupan ng parokya saka ibabalik ng Quiapo Church ang imahe sa Linggo ng gabi.
Ang mga pagdalaw o localized traslacion ay isinasagawa ng pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene para hikayatin ang mga deboto na huwag nang dumagsa sa Quiapo Church sa kapistahan ng Itim na Nazareno sa darating na Enero ng susunod na taon.