Epektibo na kaninang alas-12:00 ng hatinggabi ang mala-Enhanced Community Quarantine (ECQ) na lockdown ang tatlong barangay sa Bontoc, Mountain Province.
Kasunod ito nang pagkakatala ng labing dalawang kaso ng UK variant sa bayan ng Bontoc kung saan kabilang sa tinamaan ay ilang bata na edad lima hanggang sampung taong gulang.
Batay sa Executive Order No. 8 na pinirmahan ni Mayor Franklin Odsey, iiral ang mahigpit na lockdown hanggang January 31, 2021 sa mga barangay ng Bontoc Ili, Caluttit, at Poblacion.
Kabilang sa specific guidelines ang mandatoryong pagsusuot ng face mask at face shield ng mga residente; isang metrong distansya; paghuhugas ng kamay; at pagbabawal na dumura.
Isang miyembro lang din ng pamilya ang pinapayagang lumabas para sa pagbili ng “essential goods” habang mahigpit na ipinagbabawal ang social gatherings tulad ng misa, kasal; operasyon ng public tricycle at transportation sa central barangays; van for hire ng mga turista; at dine-in sa restaurants.
Tigil operasyon din ang mga barbershop, salons, hotel accommodation, at iba pang leisure activities.
Magpapatupad din ang lokal na pamahalaan ng liquor ban at curfew mula alas-7:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga.
Ngayong araw, magde-deploy ang pamahalaan lokal ng Bontoc ng karagdagang contact tracers para matukoy ang mga nakasalamuha ng 12 UK variant cases ng bayan.