Lockdown, hindi sagot sa tumataas na COVID-19 cases ayon sa ilang grupo

Tinutulan ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) ang mga mungkahing palawigin pa ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila.

Giit ni ECOP President Sergio Ortiz-Luis Jr., hindi sagot sa tumataas na kaso ng COVID-19 ang lockdown.

Sa halip na isara ang mga negosyo kung saan malaki ang mawawala sa ekonomiya ng bansa, mainam aniya na paigitingin na lamang ang pagbabakuna at pagsunod sa health protocols.


“Masyado tayong natatakot dun sa numbers, e 94% of that number is asymptomatic saka hindi naman grabe. Ang sinasabi lang namin, ‘yung mga nagtatrabaho na productive, wag mo nang tanggalin, higpitan niyo yung ibang procedures at pasundan yung ating mga protocols,” ani Ortiz-Luis sa interview ng RMN Manila.

Para naman kay Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) Acting President Edgardo Lacson, nakakadagdag lang sa problema ang lockdown.

Aniya, 40% ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa ay mula sa NCR kaya hindi malabong lalong bumagsak ang ekonomiya kung palalawigin pa ang ECQ.

“Parang yang lockdown na yan e hindi po nakaka-solve kundi nakakadagdag pa sa problema,” giit ni Lacson.

Dagdag niya, “Tingnan munang maigi kung talagang dapat ang lockdown kasi nga ang laki ng epekto niyan sa negosyo at mga empleyado. Baka may ibang paraan, wag naman sanang lockdown nang lockdown.”

Facebook Comments