Itinuturing ng lokal na pamahalaan ng Parañaque na payapa at naging maayos ang ikinasang calibrated and reasonable lockdown sa mga piling lugar sa Barangay San Dionisio.
Matatandaan na ipinatupad ang lockdown alas-6:00 ng umaga noong June 4, 2020 at nagtapos ito ng alas-11:59 ng kagabi.
Ilan sa mga ini-lockdown na lugar sa Brgy. San Dionisio ay ang Tramo I, Tramo II, Lupang Pangarap, Sitio Masigla, Poultry Compound, Parañaque Homes, Manggahan Wakas, United Manggahan at Mary Queen of Peace.
Ikinasa ang lockdown upang hindi na lumaganap ang COVID-19 lalo na’t patuloy ang pagtaas ng kaso ng sakit sa nasabing mga lugar kung saan isinailalim din sa mass testing ang mga residente.
Personal na minonitor ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang pagpapatupad ng lockdown, maging ang pamimigay ng food assistance sa mga residente na naapektuhan ng lockdown.
Aabot naman sa 21 katao ang nadakip ng Parañaque PNP na lumabag sa mga panuntunan ng ipinatupad na lockdown.
Ang mga nahuling first time offender ay sasailalim sa 24-hour community service sa buong barangay, habang ang ilan sa mga nadakip ay kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 11332 o ang hindi pagsunod sa health protocols, disobedience to persons in authority, hindi pagsusuot ng face mask at paglabag sa curfew hour na ipinapatupad sa lungsod.