Kasalukuyang nagpupulong ang mga pinuno ng Sulu Local Government Unit (LGU) kasama ang Western Mindanao Command upang pagplanuhan ang mga hakbang hinggil sa nadiskubreng panibagong variant ng COVID-19 na nakita sa Sabah, Malaysia, na malapit lamang sa Sulu.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Sulu Governor Abdusakur Tan na posible silang magpatupad ng lockdown sa buong Sulu upang hindi na makapasok pa sa kanilang lugar ang panibagong strain.
Sa ngayon, lumiham na aniya sila kay Pangulong Rodrigo Duterte at kay COVID-19 Policy Chief Implementer at Vaccine Czar Carlito Galvez upang humingi ng karagdagang assets tulad ng mga barko na siyang magpapatrolya sa malawak na coastal area ng Sulu.
Nais din ni Governor Tan na pahiramin sila ng chopper nang sa ganon ay mamonitor ang galaw ng mga tao lalo na sa border ng Sulu.
Humingi rin ng karagdagang suplay ng bigas, testing kits at machine si Gov. Tan upang madaling masuri ang kanyang mga nasasakupan.
Paliwanag nito, level 1 hospital lamang ang mayruon sila sa Sulu kung kaya’t napakahalaga aniya ng prevention para di kumalat ang virus sa lugar.
Paliwanag pa nito, walang timeframe ang ipatutupad nilang lockdown basta’t andyan ang banta ng bagong variant ng COVID-19 ay kanila munang isasara ang kanilang border.
Nabatid na mas mabilis kasing makahawa ang panibagong variant ng COVID-19.