Maaari pa ring ipatupad ng pamahalaan ang mahigpit na lockdown sakaling hindi mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito ang pahayag ng Malacañang matapos ipatupad ang general community quarantine bubble sa “NCR+” na binubuo ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, mananatiling option ng lockdown pero sa ngayon ay hihigpitan lamang ang mga quarantine measures sa loob ng dalawang linggo.
Sa kabila ng mga non-essential travel at pagbabawal sa mass gatherings, sinabi ni Roque na nananatili pa ring bukas ang ekonomiya para makapaghanapbuhay ang mga tao.
Muling iginiit ni Roque na ang GCQ bubble ay hindi isang uri ng lockdown dahil hindi pinipigilan ang mga manggagawa na pumasok sa kanilang mga trabaho.