Lockdown sa iba’t ibang lugar sa bansa, pinatatanggal ng grupong CDC PH

Umapela kay Pangulong Rodrigo Duterte ang grupong Concerned Doctors and Citizens of the Philippines o CDC PH na panahon na para tanggalin ang ipinatutupad na mga ‘lockdown’ na dulot ng COVID-19 sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Sa isang pagpupulong ng CDC PH sa Pasig City, inihayag ng grupo na mahalagang magpatibay ng isang national protocol na tutugon para labanan ang panganib na dulot ng Coronavirus.

Paliwanag ng CDC PH, ang early treatment anila ng virus ay isa sa mabisang paraan para mabawasan hindi lang ang mataas na bilang ng nadadala sa mga pagamutan kundi maiwasan din ang pagkamatay.


Bukod sa pagpapalakas ng immune system at epektibong stress management, kabilang din sa preventive measures na inilalatag ng grupo ay ang paggamit ng hydroxychloroquine bilang bahagi ng early treatment.

Dagdag pa ng grupo, ang dapat lamang na isailalim sa quarantine ay mga may sakit at hindi dapat na isama ang mga malalakas na indibidwal.

Giit ng grupo, ang COVID-19 ay hindi isang ketong o kaya ay isang death sentence na gaya ng unang mga pangamba.

Hindi umano dapat na maparalisa ang ekonomiya dahil lamang sa takot sa virus.

Batay anila sa pag-aaral, 93% ng mga namamatay sa COVID-19 ay mga pasyente na 55-taong gulang pataas lamang, habang sa buong mundo ay bihira sa edad na 19 pababa.

Sabi ng CDC PH, ang kanilang paglutang ay tugon sa panawagan ni Pangulong Duterte na nagkakaisang pagtulong para harapin ang krisis na dulot ng pandemya.

Facebook Comments