Epektibo na ngayong araw ang lockdown sa Metropolitan Trial Court (MeTC) Manila Branch 30 at MeTC Manila – Office of the Clerk of Court (OCC).
Sa isang memorandum na ibinahagi ng Supreme Court Public Information Office, ang lockdown sa MeTC Manila Branch 30 na matatagpuan sa Manila City Hall ay magsisimula ngayong July 13 at tatagal hanggang July 24, 2020.
Sa MeTC Manila OCC, na matatagpuan sa Parkview Plaza Building, ang lockdown ay simula rin ngayong July 13 at matatapos sa July 22, 2020.
Ang lockdown ay aprubado ng Office of the Court Administrator ng Korte Suprema.
Nakasaad sa memo na pirmado ni Executive Judge Carissa Anne Manook-Frondozo, na may isang empleyado kasi ng MeTC Manila OCC at isang empleyado ng MeTC Manila Branch 30 na nagpositibo sa COVID-19 matapos maisailalim sa Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test.
Huling nagreport sa trabaho ang MeTC OCC employee noong July 8, habang noong July 10 ang empleyado ng Branch 30.
Pinaalalahanan ang mga kawani ng mga opisina na apektado ng lockdown na sumailalim sa self-quarantine sa loob ng labing apat (14) na araw.
Magsasagawa rin ng contact tracing sa lahat ng mga taong may contact sa dalawang pasyente.
Samantala, nabanggit sa memo na ang MeTC Manila Branch 30 ay maaaring magdaos ng video conference hearings at tumanggap ng pleading sa pamamagitan ng e-mail sa panahon ng quarantine.
Habang ang MeTC OCC ay maaring tumanggap ng mga aplikasyon para sa piyansa at iba pang concern sa mga mahahalagang bagay sa pamamagitan ng kanilang hotline o email.