Nilinaw ng Palasyo na maaari pa ring magpatupad ng lockdown kada barangay ang isang Local Government Unit (LGU) kapag mayroon itong mataas na kaso ng COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ang localized quarantine measures per barangay o kada zone ng barangay bilang preventive measure laban sa COVID-19 ay pinapayagan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-IED).
Paliwanag ni Roque, may kapangyarihan ang mga lokal na opisyal na mag-impose ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa ilang mga barangay o di naman kaya ay kada zone ng barangay kung saan mataas pa rin ang kaso ng COVID 19.
Sinabi ng kalihim na magkakaroon pa rin ng pockets of ECQ o lockdown sa ilang barangay kung saan limitado ang magiging galaw ng mga nakatira dito, tanging ang mga frontliners lamang ang papayagang makalabas-masok para sa kanilang trabaho at ihahatid ng LGU ang ayuda sa mga residente nito.
Simula sa Lunes, June 1, isasailalim na sa GCQ ang Metro Manila, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, Pangasinan, Albay, at Davao City habang ang nalalabing bahagi ng bansa ay pasok na sa Modified General Community Quarantine (MECQ).