Extended o pinalawig pa hanggang sa susunod na Linggo ang lockdown sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ang extension ng lockdown sa Kamara ay bunsod pa rin ng surge o patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR) at mga kalapit na probinsya.
Sa anunsyo ni Speaker Lord Allan Velasco, pinalawig pa nila hanggang sa susunod na linggo o January 10 hanggang 16 ang lockdown sa Batasan Complex.
Bahagi pa rin ito ng precautionary measure para mapangalagaan at maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng mga kongresista, kawani at iba pang mga nagoopisina sa Kamara.
Simula nitong Martes, January 4 ay isinailalim na sa lockdown ang Kamara dahil sa banta ng paglaganap ng Omicron variant.
Sinabi naman ni Velasco na sa January 17 ay balik sa regular na operasyon ang Mababang Kapulungan at siya ring balik sesyon ng Kongreso.
Magkagayunman, 20% lang muna ng workforce sa bawat opisina ng Kamara ang papayagang magreport physically sa trabaho sa pagbabalik sesyon.