Hindi na maaaring gawing basehan ang COVID-19 rapid anti-body test sa pag-lockdown ng mga korte Hall of Justice sa bansa.
Ito ang nakapaloob sa Circular No. 101-2020 na inisyu ng Office of the Court Administrator (OCA) ng Korte Suprema, kung saan sakop dito ang first at second level courts.
Inilabas ang circular kasunod ng lockdown sa ilang mga korte sa Metro Manila, makaraang magpositibo sa COVID-19 rapid test ang ilang court employees at ang iba ay may nakasalamuhang positibo sa virus.
Ayon kay Court Administrator Atty. Jose Midas Marquez, ang mga korte ay ila-lockdown lamang kung positibo sa Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) o swab test ang mga hukom o court personnel na nagpositibo sa rapid test.
Isasarado ang korte sa loob ng labing apat (14) na araw at isasailalim sa disinfection.
Sakali namang mag-negatibo sa swab test ang sinuri, ang korte ay dapat na manatiling bukas ngunit kailangang magpatupad ng health at safety protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at “No scheduled hearing, no entry.”
Habang naghihintay naman ng resulta ng confirmatory test ang korte, dapat din na magsagawa ng contact tracing.
Ayon pa kay Marquez, kapag may sintomas na nararamdaman o ang symptomatic person ay kailangang sumailalim sa 14-day quarantine hanggang sa maging asymptomatic.
Samantala, ang nag-positibo sa rapid test ay kailangan ding mag-self-quarantine o magpa-admit sa ospital kung mild hanggang sa may malalang sintomas at may travel/contact history.
Paalala naman ni Marquez, ang lahat ng korte ay dapat na makipag-ugnayan sa OCA hinggil sa gagawing aksyon sakaling may kumpirmadong COVID-19 cases sa kani-kanilang nasasakupan para maging mas maayos ang pagla-lockdown at work from home arrangements at para hindi maapektuhan ang serbisyo sa publiko.