Iginiit ni Albay Representative Joey Salceda na preemptive ang rekomendasyon na isailalim sa isang linggong lockdown ang Metro Manila dahil sa COVID-19.
Ito ay kasunod ng reaksyon ni Health Secretary Francisco Duque III na premature pa ang rekomendasyong lockdown sa National Capital Region (NCR) dahil sa COVID-19 dahil kakailanganin muna ng ebidensya ng sustained community transmission bago ipatupad ang lockdown.
Giit ni Salceda, hindi premature kundi preemptive ang hakbang na pagla-lockdown sa NCR lalo’t tumaas na sa sampu ang kasong naitala dito ng DOH at may mga inanunsyo pa ngayong araw ang ilang LGUs na confirmed COVID-19 cases sa kanilang lugar.
Aniya, hihintayin pa bang kumalat sa bansa at mag-viral ang sakit bago magpatupad ng lockdown na tinawag nitong “wrong attitude” sa pag-manage ng crisis.
Tiyak, aniyang, magkakaroon ng dysfunctional result sa ekonomiya at pamumuhay ng mga tao kung hindi magiging maagap ang gobyerno.
Pagdidiin pa ng kongresista, walang surge capacity ang mga pagamutan sa bansa sakaling dumami ang magkakasakit ng COVID-19 kaya tama lamang at makakabuti ang pagpapatupad ng one-week lockdown sa NCR.