Lockdown sa Santiago City, Posible kung hindi susundin ang Health Protocol Standard

Cauayan City, Isabela- Hindi malayong mangyari ang pagsasailalim sa lockdown sa Santiago City kung patuloy na hindi susunod ang publiko sa ipinapatupad na health protocol para makaiwas sa virus.

Batay sa facebook live post, sinagot ni City Mayor Joseph Tan ang tanong ng isang netizen dahil sa patuloy na dumaraming bilang na mga nagpopositibo sa virus.

Ayon kay Tan, depende pa rin naman ito kung magpapatuloy ang katigasan ng ulo ng mga Santiagueño sa hindi pagsunod sa safety measures sa pag-iwas sa sakit.


Naniniwala naman ang opisyal na ang nakararaming Santiagueño ay magpapatuloy na susunod sa mga ibinababang panuntunan upang makaiwas sa posibleng pagkalat ng virus.

Sa kabila nito, nagpapasalamat si Tan sa mga pribadong sektor na patuloy na umaagapay sa pagbabantay sa mga lansangan para matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Hiniling din nito sa publiko na mangyaring ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang mga taong posibleng makakapuslit at mabigyan ng tamang hakbang sa pag-iwas sa virus.

Facebook Comments