Lodi, Werpa at Petmalu, Mga Satanic Code?

Cauayan City, Isabela – Ang sikat na mga kataga ngayon na lodi, werpa at petmalu ay mga satanic codes umano.

Ito ang paniniwala ng isang miyembro ng Born Again Christian kung saan ay kanyang ipinost sa facebook ang paniniwalang ito.

Ayon sa kanya, ang lodi ay pinaikling “lodibil” o lord devil, ang petmalu ay pinaikling “petmalucifer” o pet my lucifer at ang werpa ay pinaikling “werpapasatan” o where is papa Satan.


Sa panayam ng RMN Cauayan News sa nagmamay-ari ng account na si Raizen Dela Cruz Gomez kung saan nakapost ang babala tungkol sa umano ay sikretong katuturan ng tatlong sikat na salita ay kanyang sinabi na mayroon namang maayos na bigkas sa mga katagang “idol”, “malupet” at “power” ngunit bakit binaliktad pa at binibigkas ng hindi maayos.

Nang tanungin ng RMN Cauayan News kung paano niya naisip ang naturang bagay ay kanyang sinabing basta na lang umusbong sa kanyang kaisipan.

Si Raizen ay kanyang ipinakilala ang kanyang sarili bilang kasapi ng Born Again Christian Church sa kanyang paglalahad sa naturang panayam.

Kanyang sinabi sa kanyang post na kailangang maipalaganap ito para malaman ng lahat na ang sikat na binibigkas ngayong mga kataga ay pagpapatungkol umano kay satanas.

Facebook Comments