Hawak na ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang log ng Comelec Transparency Server.
Matatandaang nagkaroon ng pitong oras na problema sa pag-transmit ng resulta ng boto noong Lunes ng gabi.
Ayon kay PPCRV Chairperson Myla Villanueva – tatlong bagay ang kailangan nilang malaman mula sa log.
Una ay kung tuluy-tuloy ang transmission ng resulta mula sa mga vote counting machines (VCM) patungo sa transparency server sa mga oras na hindi naipapadala ang data sa PPCRV at media outlets.
Pangalawa, aalamin sa log kung bakit natigil ang pagpapadala ng transparency server ng data sa PPCRV.
Pangatlo, kung kumpleto ba ang lahat ng data na pumasok nang maayos ang problema mula sa transparency server.
Sa ngayon, nasa 98.3% ng election returns mula sa 87,540 clustered precincts ang natatanggap ng PPCRV.