Lokal na industriya, posibleng maging kawawa sa naging PH-US Trade Agreement

Nagbabala si Senator Migz Zubiri na magiging kawawa ang lokal na industriya sa bansa kapag bumaha ng imported na produkto mula sa Estados Unidos.

Kaugnay na rin ito sa 19% na taripa na ipinataw ng US para sa mga produktong manggagaling sa Pilipinas habang zero tariff naman ang ipapataw ng bansa sa US para sa ilang sektor nito.

Giit ni Zubiri, parang lugi ang bansa sa nangyaring kasunduan dahil kapag bumaha ng imported na karne, manok, at mais mula sa Amerika ay tiyak na pinaka-kawawa rito ang mga magsasaka at hindi malabong ikamatay ito ng ating local agriculture sector.

Sa ilalim aniya ng zero tariff deal sa ilang produkto ng US ay siguradong mahihirapan ang mga lokal na produkto na makipagsabayan sa presyo.

Hindi rin naiwasan ng senador na maikumpara ang Pilipinas sa Japan na kaalyado rin ng US na mula sa 27.5% tariff ay nagawa nilang maibaba ito sa 15%.

Ipinunto ni Zubiri na kung tunay na kaalyado ang trato sa atin ng Estados Unidos ay dapat naibigay rin ang parehong mutual respect sa trade policy katulad sa Japan.

Facebook Comments