Lokal na pamahalaan ng Davao del Norte, humingi na ng tulong sa Senado na agapan ang kanilang problema sa madalas na rotational brownout

Personal nang humingi ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Davao del Norte sa mga senador para agapan ang problema sa madalas na brownout at kakulangan sa suplay ng kuryente sa kanilang lalawigan.

Sa pagpapatuloy ng joint hearing ng Committees on Energy at Trade, Commerce and Entrepreneurship, kinontra ni Davao del Norte Provincial Governor Edwin Jubahib ang claim ng Northern Davao Electric Cooperatives Inc., (NORDECO) na wala nang nangyayaring rotational brownout sa Samal island at sa iba pang distrito na nasasakupan ng Davao del Norte.

Batay kasi sa pahayag ng NORDECO sa Senado, as of June 5, 2023 ay wala na silang naitatalang rotational brownout sa Samal island at kung mayroon mang brownout ito na lamang ay mga scheduled interruptions para sa line maintenance at pagpapalit ng mga poste.


Bukod dito, isinisi pa ng NORDECO sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang sanhi ng brownout sa Tagum City na nangyari noong June 13.

Sinabi naman ni Gov. Jubahib na pawang kasinungalingan ang sinasabi ng NORDECO at katunayan araw-araw nilang nararanasan sa Davao del Norte ang rotational brownout na kung minsan ay tumatagal ng isa hanggang apat na oras.

Nagpahayag ng pagkabahala ang gobernador dahil kung hindi maaagapan ang problema ay posibleng mauwi na sila sa economic crisis mula sa power crisis na mas malaking problema.

Hindi aniya malabong tuluyang magsialisan ang mga negosyante kapag nagpatuloy ang mga brownout dahil sa laki ng pagkalugi at apektado rin dito ang mga mamamayan na mawawalan ng trabaho.

Facebook Comments