Lokal na pamahalaan ng Las Piñas, nananawagan ng kooperasyon matapos na bahagyang tumataas ang kaso ng COVID-19

Muling nananawagan ang lokal na pamahalaan ng Las Piñas sa mga residente nito ng kooperasyon at pakikipagtulungan para mapigilan ang pagdami ng bilang ng nahahawaan ng COVID-19.

Ito’y matapos na bahagyang tumataas ang karagdagang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng virus sa iba’t ibang lugar sa lungsod.

Sa pinakahuling datos ng City Health Office (CHO), nakapagtala sila ng 26 na karagdagang kaso sa lungsod nitong weekend kaya’t pumalo na sa 88 ang bilang ng active cases.


Kaugnay nito, hinihikayat at pinaalalahanan ang lahat na maging disiplinado at sumunod sa health and safety protocols.

Kabilang na dito ang pagsusuot ng face mask at face shield, pag-obserba sa physical distancing at malimit na paghuhugas o pagsa-sanitize ng mga kamay.

Patuloy naman gumagawa ng hakbang ang lokal na pamahalaan katuwang ang mga frontliners para masiguro ang kalusugan at kaligtasan ng bawat isa ngayong panahon ng pandemya.

Pero giit ng Las Piñas Local Government Unit (LGU), hindi ito makakaya ng sila lamang kung saan malaking papel ang gagampanan ng bawat indibidwal sa lungsod para makontrol ang COVID-19 na ngayon ay may bago ng variant na naitatala sa bansa.

Facebook Comments