Lokal na pamahalaan ng Las Piñas, umaasang mas darami pa ang bilang ng mga residente na makakarekober sa COVID-19

Patuloy na umaasa ang lokal na pamahalaan ng Las Piñas na mas darami pa ang mga residente na makakarekober sa COVID-19.

Ito’y matapos silang makapagtala ng 151 na mga residente na nakarekober sa sakit kung saan nasa 654 na ang kabuuang bilang ng mga gumaling.

Ayon kay Mayor Imelda Aguilar, ang lokal na pamahalaan at ang Las Piñas City Health Office ay patuloy na gumagawa ng paraan at mga hakbang para mapigilan ang pagkalat ng virus katuwang ang mga lider ng komunidad.


Bukod dito, mas pinalawak pa ng Las Piñas Local Government Unit (LGU) ang expanded targeted testing na ginagawa ng City Health Office at kabilang na dito ang COVID-19 testing-on-wheels na nag-iikot sa bawat barangay sa lungsod para magsagawa ng pagsusuri sa mga residente.

Sa kasalukuyan, nasa 6,844 na indibidwal ang sumailalim sa swab test habang nasa 10,028 ang dumaan sa rapid test.

Kanila ring tinututukan ang mga pasyente na may mga sintomas ng virus gayundin ang mga na-expose sa COVID-19 na kasalukuyang nananatili sa kanilang Ligtas Center sa may bahagi ng Daniel Fajardo.

Nanawagan din ang alkalde sa bawat residente na makiisa sa mga ginagawang hakbang ng lokal na pamahalaan para tuluyan nang mapigil ang pagkalat ng virus lalo na’t nasa 999 ang kumpirmadong kaso, 292 dito ang active cases at nasa 53 ang nasawi.

Facebook Comments