Nanawagan si Manila Mayor Isko Moreno sa mga magtutungo sa Manila North at Manila South Cemetery na hanggat maari ay panatiliin ang kasagraduhan at kalinisan ng mga sementeryo lalo na ngayong panahon ng Undas.
Ngayong umaga sa pagpapatuloy ng kampanya ng kalinisan at kaayusan, isang kakaibang hakbang ang ginawa ng pamunuan ng Manila North Cemetery, Department of Public Safety, fire volunteer at ang grupo ni Basuraman mula sa Teramorp Inc, isang kumpanya na katuwang ng mga Filipino inventors para pabanguhin ang bungad ng sementeryo.
Ipinaliwanag ni Kouji Agoncillo alyas Basuraman, gamit nila ang spray mula sa enzymes o mga good bacteria ng piling halaman.
Ayon kay Basuraman, kailangang suportahan ang kampanya ni Yorme at isang maliit na hakbang ngayong Undas ay ang pagdadala ng sariling mga basurahan at maayos itong itapon.
Ito ay pagpapakita rin ng pagmamahal at paggalang sa mga yumaong inaalala natin ngayong panahon ng Undas.
Nagpasalamat naman si Keneth Amurao, hepe ng Manila – DPS at ang pamunuan ng Manila North Cemetery sa patuloy na suporta ng Teramorp Inc. at fire volunteer group para sa kaayusan at kalinisan ng mga sementeryo sa Maynila ngayong Undas.