Lokal na pamahalaan ng Maynila, bibili ng mga refrigeration unit para sa bakuna kontra COVID-19; Storage facility, sisimulan ng itayo

Pinirmahan na ni Manila Mayor Isko Moreno ang ilang dokumento para sa pagbili ng lokal na pamahalaan ng mga refrigeration at transport cooler units.

Ang mga nasabing unit ay gagamitin sakaling makabili na ng bakuna kontra COVID-19 ang lokal na pamahalaan na aprubado na ng national government.

Nasa 12 refrigeration units at nasa 50 transport cooler units ang planong bilhin ng Manila Local Government Unit (LGU) para paglagyan ng mga makukuhang bakuna.


Nabatid na ang mga kukuning refrigeration units ay kayang paglagyan ng mga bakuna gaya ng Pfizer, AstraZeneca, Moderna, Johnson & Johnson, Novavax at Sinovac.

Kaugnay nito, ipinag-utos na ni Moreno ang pagtatayo ng storage facility para sa bibilhin nilang bakuna.

Ang Manila COVID-19 Storage Facility ay itatayo sa compound ng Sta. Ana Hospital kung saan kaya raw nitong i-accomodate ang lahat ng uri ng bakuna.

Target nilang matapos ang konstruksyon ng nasabing storage facility sa loob ng dalawa o hanggang tatlong linggo.

Facebook Comments