Lokal na pamahalaan ng Maynila, bumili ng tatlong COVID-19 testing machines

Bumili ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng tatlong COVID-19 serology testing machines na kayang magsagawa ng 16,800 na pagsusuri kada linggo.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, unang isasailalim sa pagsusuri ang mga doktor, nurse at iba pang healthcare workers.

Ang mga nasabing testing machines ay may accuracy rate na 99.6% specificity at 100% sensitivity kung saan 50 samples per hour ang kayang gawin nito.


Isasailalim pa rin sa confirmatory swab tests ang mga masusuri sa COVID-19 serology testing machines bilang bahagi ng public health protocols.

Dagdag pa ni Yorme, nasa anim na milyong piso kada isang makina ang nagastos ng lokal na pamahalaan na isa sa mga long-term investment sa lungsod.

Bukod sa COVID-19, may kakayahan din ang mga makina na ma-detect ang iba pang uri ng sakit tulad ng cancer, hepatitis, thyroid at iba pang infectious diseases.

Ang mga testing machines ay ilalagay sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Sampaloc at Ospital ng Maynila.

Facebook Comments