Lokal na pamahalaan ng Maynila, handa na para sa ikakasang transport strike

Nakatakda nang i-deploy ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang ilang mga sasakyan na gagamitin sa libreng sakay para sa ikakasang transport strike.

Ang mga nasabing sasakyan ay iikot sa mga lugar na maaapektuhan ng tigil-pasada.

Nasa dalawang mobile transport, tatlong pick at isang mobile clinic ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office ang gagamitin kabilang ang nasa higit 50 e-trike na nasa ilalim ng lokal na pamahalaan.


Bukod dito, iikot din ang service vehicle ng Manila Police District (MPD) para tumulong na maisakay ang mga maiistranded na pasahero.

Nanawagan naman ang MPD sa mga magkakasa ng tigil-pasada na huwag pilitin at huwag mangharang ng ibang tsuper na nais bumiyahe upang maiwasan ang kaguluhan.

Nagtayo naman ng command center ang Manila Local Government Unit sa Kartilya ng Katipunan upang i-monitor ang sitwasyon ng tigil-pasada habang patuloy na iikot sa buong lungsod ang MPD para masiguro ang kaayusan at kapayapaan.

Facebook Comments