Nagpaabot ng pakikiramay ang Lokal na Pamahalaan ng Maynila sa pamilya ng nasawing nilang doktor nang dahil sa aksidente.
Ayon kay Manila City Health Officer Dr. Arnold Pangan, nasawi matapos mabangga ng truck ang doktor na si Maria Teresa Dajao, Medical Officer IV ng Manila Health Department.
Sinabi ni Pangan na ikinalungkot ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila ang pagkawala ni Dr. Dajao lalo na’t malaking kawalan siya sa serbisyo dahil sa marami na itong nai-ambag para mapanatili ang kalusugan ng bawat manileño.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Manila Police District, papauwi na sana si Dr. Dajao nang mabunggo ito ng truck sa may bahagi ng President Quirino Avenue kanto ng West Zamora Street, Pandacan, Manila.
Naisugod pa sa ospital ng Maynila ang doktora pero binawian din ito ng buhay habang ginagamot.
Agad din naaresto ang driver ng truck na nakilalang si Jeffrey Macayon na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.
Nabatid na bukod sa pagiging Medical Officer IV, si Dr. Dajao rin ang physician-in-charge sa Kahilum Health Center sa Pandacan District sa Maynila kung saan napag-alaman pa na si Dr. Dajao ay madedestino sana sa Del Pan Health Center para maging COVID-19 frontliner bago ito nasawi dahil sa aksidente.