Lokal na pamahalaan ng Maynila, magiging maluwag muna sa biyahe ng mga truck sa lungsod

Tiniyak ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno-Domagoso na walang magiging sagabal sa kanilang operasyon ang samahan ng “truckers” sa panahon ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Ayon kay Mayor Isko, walang truck ang pipigilang bumiyahe at wala rin hahatakin o i-impound ang pamahalaang lungsod sa panahon ng pagpapatupad ng MECQ pero giit niya na huwag sana silang umabuso.

Dagdag pa ng alkalde na papayagan na makadaan ang mga truck sa Roxas Boulevard maging sa ibang ruta at maaari silang dumaan kahit walang Terminal Appointment Booking System (TABS).


Ang naturang desisyon ni Mayor Isko ay alinsunod sa mga panuntunan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na nagsasaad na ang lahat ng klase ng kargamento na babiyahe ay dapat huwag pigilin at hayaan muna silang makabiyahe.

Sa kabila naman ng kaluwagan na ibinigay ng pamahalaang lungsod sa samahan ng mga trucker, iginiit ni Mayor Isko na pananatilihin pa rin ang pagpapatupad ng batas laban sa mga lalabag sa batas trapiko partikular na ang mga pasaway na driver.

Samantala, pinapayuhan naman ang ilang motorista na sarado pansamantala ang ilang Roxas Boulevard dahil sa ilang mga bitak at bahagyang paglubog ng kalsada partikular sa bahagi ng Remedios Street o tapat ng Rajah Sulayman Park.

Dahil dito, pinapayuhan ang mga truck at iba pang mga sasakyan na maghanap ng alternatibong ruta upang hindi maipit sa trapiko at hindi maabala sa kanilang biyahe.

Facebook Comments