Mayroong mga bagong testing booth ang Lungsod ng Maynila na inaasahang makakatulong para mas mapalawak pa ang COVID-19 testing sa mga residente.
Nasa anim na bagong testing booth ang makikita sa tapat ng Manila City Hall kung saan ang mga ito ay nanggaling sa donasyon ng ilang pribadong indibidwal.
Ayon sa Manila Local Government Unit (LGU), gagamitin ang mga booth para mas mapabilis ang mass testing.
Moderno ang pagkakagawa sa mga testing booth na may tempered glass at may disinfecting system.
Sinabi naman ni Cesar Chavez, ang Chief of Staff ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na ang mga testing booth ay ide-deploy sa iba’t ibang quarantine facilities sa Maynila at uunahin ang mga may sintomas ng COVID-19.
Sa ngayon, mayroong 770 na positibong kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Maynila kung saan 583 ang active cases.
924 ang suspect cases at 81 ang probable habang 114 na ang naka-recover sa COVID-19 habang 73 ang binawian ng buhay.