Muling humingi ng pang-unawa si Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso sa Simbahang Katolika at mga deboto ng Poong Itim na Nazareno dahil sa hindi pa nagbabago ang kaniyang desisyon na ipagbawal ang anumang prusisyon sa lungsod ng Maynila.
Bagama’t naiintindihan ni Mayor Isko ang kahalagahan ng prusisyon ng Itim na Nazareno kada buwan ng Enero, mas mahalaga para sa kanya ang kaligtasan ng mga residente at mga deboto hindi lamang sa Maynila maging sa kalapit na isyudad at probinsya.
Dahil dito, umaapela siya sa mga deboto na magdasal na lang muna sa halip na mag-prusisyon lalo na’t hindi pa rin nawawala ang banta ng COVID-19.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Mayor Isko na hindi titigil ang pamahalaang lungsod at ang Manila Police District sa isinasagawa nilang operasyon laban sa mga lumalabag sa minimum health and safety protocols.
Ito’y matapos na maaaresto ang higit 20 katao sa ginanap na handaan ng isang binyagan sa loob ng Manila North Cemetery.
Dahil dito, umaapela si Mayor Isko sa mga residente ng Maynila na sumunod muna sa mga protocols hangga’t hindi bumabalik sa normal ang sitwasyon.
Iginiit ng alkalde na ang mga ordinansang ipinapatupad ay hindi para pahirapan ang mga Manileño kundi para na rin ito sa kanilang kaligtasan.