Lokal na pamahalaan ng Maynila, nagbabala sa mga opsiyal ng barangay na namumuno sa iligal na gawain sa kanilang lugar

Muling nagbabala si Mayor Isko Moreno Domagoso sa mga opisyal ng mga barangay sa lungsod ng Maynila na hindi siya magdadalawang isip na kastiguhin ang mga ito sa oras na lumabag sila sa ipinapatupad na batas.

Ang babala ng alkalde ay kasunod ng pagkaka-aresto ng isang Barangay Chairman dahil sa iligal na tupada sa kanyang nasasakupan.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD) Station 1, nakilala ang suspek na si Chairman Silvestre Dumagat Jr. ng Barangay 125 sa Tondo, Manila gayundin ang caretaker nito na si Wilfredo Marullano sa isang follow-up operation.


Bago ang pag-aresto kay Dumagat ay naunang naaresto ang apat na kalalakihan na nagsasagawa ng iligal na tupada na kung saan nakuha sa kanila ang dalawang manok na pangsabong at perang nagkakahalaga ng P500.

Nagawang makatakas nina Chairman Dumagat at Marullano makaraang mamukhaan nila ang mga pulis ngunit nasakote rin sa follow-up operation ng mga awtoridad at narekober sa dalawa ang limang manok na pangsabong.

Napag-alaman sa hepe ng MPD-Station 1 na si Lt. Col. Cristopher Navida na nagsagawa na sila ng isang operasyon noong April 5, 2020 sa naturang lugar at nakiusap na din umano siya kay Dumagat hinggil sa nangyayaring iligal na aktibidad sa kanyang lugar, ngunit patuloy pa rin itong nag-operate.

Patung-patong na kaso ang kinakaharap ng Chairman kaya’t payo ni Yorme sa iba pang opisyal na ayusin ang kanilang trabaho at tumulong na rin sa hakbang ng lokal na pamahalaan para mapigilan ang COVID-19.

Facebook Comments