Lokal na pamahalaan ng Maynila, nakatanggap ng papuri sa DILG-NCR sa mga hakbang nito sa pagsugpo ng iligal na droga

Nakatanggap ng papuri ang lokal na pamahalaan ng Maynila partikular ang Manila Anti-Drug Council (MADAC) sa Department of the Interior and Local Government-National Capital Region (DILG-NCR) dahil sa mga hakbang at programa nito para matigil ang pagkalat ng iligal na droga.

Ito ang inanunsiyo ni Mayor Isko Moreno kung saan pinasalamatan niya ang DILG-NCR sa pagbibigay ng recognition.

Ayon kay Mayor Isko, ginagawa ng Manila LGU ang lahat sa abot ng makakaya para ipatupad ang batas kontra iligal na droga.


Nabatid na lumahok ang lungsod ng Maynila sa 2021 Anti-Drug Council (ADAC) Performance Audit sa ilalim ng Highly Urbanized City (HUC) category kung saan nakakuha sila ng 85/100 na puntos sa kanilang anti-drug efforts.

Iginiit ng alkalde na ang nakuhang punto ng MADAC ay patunay lamang na ito ay highly functional o naipatutupad nang maayos.

Bukod dito, pinapurihan din ng DILG-NCR ang makabagong ideya at programa ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa implementasyon ng kanilang mga programa sa pagsugpo ng iligal na droga sa kanilang lungsod.

Muli namang babala ni Mayor Isko sa mga gumagawa ng iligal na gawain partikular ang pagtutulak ng iligal na droga na mananagot sila ng naaayon sa batas kasabay ng pagsisiguro ng karapatang pantao ng mga naaarestong indibidwal.

Facebook Comments