Lokal na Pamahalaan ng Maynila, nakipagpulong sa mga jeepney operator; Mga aktibidad sa “Araw ng Maynila”, sinimulan na

Nakipagpulong si Mayor Isko Moreno sa mga jeepney operator para pag-usapan ang mga dapat gawin sakaling payagan na silang pumasada sa lungsod ng Maynila.

Ayon kay Yorme, alam niya ang hirap na dinaranas ng mga tsuper at operators ng jeep ngayong panahon ng pandemiya dulot ng COVID-19 kaya’t nais niyang malaman ang iba pang problema ng mga ito para mahanapan ng solusyon.

Sinabi pa ng Alkalde na mahirap ang sitwasyon ng transport group partikular ang mga jeepney lalo na’t ang desisyon sa pagbiyahe nila ay nasa ilalim ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) o Inter-Agency Task Force (IATF) kaya hinihintay pa ang pag-aaral kung papayagan na silang makabiyahe.


Gayunman, tulad ng kaniyang kompromiso sa iba’t ibang asosasyon ng jeepney operators sa Maynila, kaniyang ibabahagi ang kanilang sentimyento at kahilingan sa sandaling magkaroon ng pulong ang Metro Manila Mayors at IATF.

Una nang nagbigay ang lokal na pamahalaan ng ayuda sa mga tsuper ng jeep na nakatira sa lungsod ng Maynila kung saan ang iba sa kanila ay wala pa ring natatanggap na cash assistance mula sa LTFRB.

Samantala, nagsagawa ng wreath laying at iba pang aktibidad si Mayor Isko sa Rajah Sulayman Park at San Agustin Church bilang bahagi ng ika-449 na anibersaryo ng lungsod.

Magsasagawa rin ng groundbreaking ceremony si Yorme para sa Bagong Ospital ng Maynila na isang 10-storey project na mayroong 384 bed capacity at helipad.

Facebook Comments