Tuloy-tuloy na nagsasagawa ng paglilinis ang ilang tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA at Manila Department of Public Service sa Baseco Beach matapos ang pag-uulan dulot ng Bagyong Maring.
Ilang sako ng basura ang nahakot mula nang simulan ang paglilinis kahapon kung saan may ilang mga volunteer na rin ang tumutulong para mabilis matapos ang trabaho.
Karamihan sa mga nahakot na basura ay mga plastic bottle, mga kahoy, mga halama at iba pa.
Samantala, nasa 171 pamilya o mahigit 500 katao na lamang ang nananatili sa evacuation center sa Baseco Compound.
Nabatid na nasa 800 katao o 232 pamilya ang una nang lumikas kagabi dahil sa matinding pagbaha dala ng alon ng Manila Bay.
Ayon sa Manila Social Welfare Department (MSWD), mga residente sa Aplaya at Gasangan na malapit sa Manila Bay ang binaha kahapon kung saan sa lakas ng alon, umabot sa hanggang binti ang baha sa kalsada.