Lokal na pamahalaan ng Misamis Oriental, hihirit sa IATF na isailalim sila sa ECQ

Bunsod nang pagkakaroon ng 1 Delta variant case at patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Misamis Oriental, inirekomenda ni Misamis Oriental Governor Yevgeny Vincente Emano sa IATF na isailalim din sila sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ayon kay Governor Emano hirap silang magpatupad ng iba’t ibang quarantine restrictions dahil ang ilang bayan nila ay napaggigitnaan ng Cagayan de Oro na nasa ilalim ngayon ng ECQ.

Sa ngayon hinihintay pa nila ang resulta nang ipinadalang sample ng 2 close contact na nagpositibo mula sa Delta variant.


Nabatid na sa 4 kasing nakahalubilo nito, 2 ang positibo at 2 naman ang negatibo sa virus.

Dagdag pa ni Emano, kahit pa nasa ilalim ang Misamis Oriental ngayon ng General Community Quarantine (GCQ) ang sinusunod nilang guidelines ay para sa ECQ.

Tulad ng dine-in na limitado lamang sa 30% at pagkakaroon ng mga checkpoints upang ang tanging makalalabas lamang o makakatawid sa border ay essential workers at kabilang sa Authorized Person Outside Residence (APOR).

Facebook Comments