Lokal na Pamahalaan ng Parañaque, aminadong hirap sa pamamahagi ng SAP ng gobyerno

Mas malaking porsyento ng mga residente ng Parañaque City ang hindi pa nakakatanggap ng Social Amelioration Program o SAP ng gobyerno.

Nabatid na nasa 80 percent ng mga benepisyaryo ng SAP ang hindi pa nabibigyan ng tulong pinansiyal ng Lokal na Pamahalaan ng Parañaque kung saan ngayong araw ang deadline ng pamamahagi nito base sa kautusan ng Department of the Interior and Local Government o DILG.

Aminado naman si Mayor Edwin Olivarez na may problema sila sa pamamahagi ng nasabing cash assistance.


Ayon sa alkalde, may nangyaring problema sa listahan ng mga TODA o samahan ng mga tricycle driver at listahan ng mga benepisyaryo ng Department of Labor and Employment o DOLE.

Dahil dito, kanila munang isasaayos ang listahan sa abot ng kanilang makakaya upang hindi madoble ang mabibigyan at makatanggap ang lahat ng nararapat.

Mariin din itinatanggi ng Alkalde na mayroon silang pinapaboran sa pamamahagi ng tulong pinansiyal kung saan asahan ng mga residente na gagawin lahat ng lokal na pamahalaan ang hakbang para matanggap nila ang naturang cash assistance.

Pinaalalahanan naman nila ang publiko na manatili pa din sa loob ng kanilang tahanan at huwag nang magbalak na magtungo at magtanong sa Barangay at City Hall upang masunod pa din ang ipinapairal na Enhanced Community Quarantine dahil sa banta ng COVID-19.

Facebook Comments