Lokal na pamahalaan ng Parañaque, humingi ng paumanhin sa pamilya ng vendor na nasaktan matapos maaresto sa ikinasang clearing operation

Humingi na ng paumanhin si Parañaque City Mayor Edwin Olivarez sa pamilya ni Warren Villanueva, ang vendor na nasaktan matapos arestuhin sa ikinasang road clearing operation sa noong nakaraang linggo.

Kasunod nito, sinisiguro ni Olivarez sa pamilya ni Villanueva na pananagutin niya ang limang tauhan ng Parañaque Task Force na sangkot sa insidente.

Mismong ang alkalde na ang nagsabi na hindi naging tama ang ginawang pag-aresto sa vendor kaya’t tiniyak niya na hindi na makakabalik sa pwesto ang limang tauhan ng task force matapos ang kanilang suspensyon at mahaharap rin sila sa kaukulang parusa.


Matatandaan na naging viral ang video sa pag-aresto sa vendor na si Villanueva kung saan pinagtulungan siyang maposasan at sinipa pa sa mukha.

Dagdag naman ni Olivarez, ngayon lang nangyari ang ganitong uri ng pang-aabuso ng binuo nilang task force sa loob ng limang taon kaya’t nais niyang mapanagot ang sangkot sa insidente.

Ang ginawang desisyon ni Olivarez ay bilang babala na rin sa ilang tauhan ng Parañaque Task Force at ibang empleyado ng pamahalaang lungsod na ayusin ang kanilang trabaho at sumunod sa tamang patakaran.

Facebook Comments