Magtatalaga ang lokal na pamahalaan ng Parañaque ng isang ospital kung saan pagdadalhan ng mga pasyenteng may kaugnayan sa COVID-19.
Dahil sa may mataas na bilang ng mga nagpositibo sa sakit na COVID-19, nagdesisyon si Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na i-convert ang kaka-inaugurate pa lamang na Ospital ng Paranaque II (OSPAR II) sa Barangay Don Bosco para maging eksklusibong ospital sa mga may sakit na may kinalaman sa COVID-19.
Inatasan ni Olivarez si City Epidemiologist Dr. Darius Sebastian upang pamunuan ang pagco-convert ng OSPAR II bilang isolation area ng mga pasyenteng may kinalaman sa COVID-19 gayundin din ang pagdi-disinfect ng naturang ospital.
Ayon kay Olivarez, ang mataas na bilang ng mga persons under investigation (PUIs) at persons under monitoring (PUM) gayundin ang kumpirmadong tinamaan ng virus na COVID-19 ay maituturing na isang wake-up call para sa siyudad kung saan kanyang ini-utos sa 16 na mga Punong Barangay na isailalim ang kani-kanilang mga lugar sa total lockdown na tulad ng ginawa ng lungsod na may 100% total lockdown sa mga boundaries ng Pasay, Las Pinas at Muntinlupa.
Sinabi naman ni City Public Information Office (PIO) Mar Jimenez na nagdesisyonang alkalde na gamitin ang nabanggit na ospital makaraang magtala ng 8 pasyente na nagpositibo sa COVID-19 ang lungsod gayundin ang patuloy na pagtaas ng mga PUIs at PUMs sa siyudad.
Pero sa ngayon, wala pa naman pasyenteng naka-isolate sa OSPAR II dahil ang mga pasyenteng nasasailalim sa PUI at PUM ay kasalukuyang ginagamot sa iba’t-ibang pribadong ospital sa lungsod.