Mas lalo pang pag-iigihan ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang kanilang mga plano at hakbang laban sa COVID-19.
Ito’y makaraang itinuring na model city ang Parañaque City ng National Task Force Against COVID-19 dahil sa mga ginagawa nito upang malabanan ang pagkalat ng virus.
Nabatid na iprinisinta ng lungsod kay Sec. Carlito Galvez, Chief Implementer ng National Task Force, ang mga hakbang na ginagawa nila para labanan ang pagkalat ng sakit.
Ang mga istratehiya ng Parañaque Local Government Unit (LGU) ay naging epektibo kung saan nagkakaroon ng koordinasyon mula sa barangay hanggang sa ilang departamento ng lokal na pamahalaan.
Ayon naman kay Dra. Olga Virtusio, City Health Officer ng Parañaque, susi sa matagumpay na laban sa COVID-19 ang suporta ng lahat ng lokal na opisiyal, aktibong barangay at ng health workers kasama na ang maayos na isolation facilities.
Sa pinakahuling tala ng COVID-19 sa lungsod, nasa 2,896 ang kumpirmadong kaso at 724 dito ay active cases habang 88 ang nasawi at 2,084 ang nakarekober.