Naglabas ng abiso ang Lokal na Pamahalaan ng Parañaque sa pagpunta at pagbili ng mga residente sa palengke maliban lamang sa Bulungan Seafood Market na may sariling operating schedule base sa EO No. 2020-025.
Sa abiso ng Lokal na Pamahalaan ng Parañaque, ibabase ang pagpunta sa mga palengke sa hawak na Home Quarantine Pass (HQP) ng mga residente kung saan depende ito sa huling numero.
Ang mga residente na may hawak na HQP na ang dulo ay number 1 at 2 ay hindi maaaring magtungo sa mga palengke tuwing lunes.
Ang mga may HQP na number 3 at 4 ay hindi pwede kapag martes habang tuwing miyerkules naman ay magsasagawa ng disinfection sa pampubliko at pribadong palengke sa Lungsod ng Parañaque.
Ang mga may hawak ng HQP na number 5 at 6 ang dulo ay hindi pwede kapag huwebes kung saan ang mga may number 7 at 8 ang dulo ng HQP ay hindi pwede kapag biyernes.
Ang mga residenteng may hawak na HQP na number 9 at 0 ang dulo ay bawal kapag sabado habang tuwing linggo ay exclusive lamang para sa mga Persons with Disability (PWDs), senior citizens, pregnant women, at frontliners ang pagpunta sa palengke.
Hindi naman sakop ng naturang schedule ang mga supermarkets, groceries at mobile market ng pamahalaang lungsod.
Mahigpit naman ipinaalala na ang mga residente lamang na may hawak na Home Quarantine Pass ang papayagang lumabas ng kanilang bahay kung saan ang naturang hakbang ay para maipatupad ang physical distancing sa gitna ng banta ng Coronavirus Disease o COVID-19.