Naglabas na ng bagong kautusan ang lokal na pamahalaan ng Parañaque hinggil sa pagbebenta ng alak sa kanilang lungsod.
Sa ilalim ng Executive Order no. 2021-018 Series of 2021, suspendido muna ang lahat ng lisensya at permit sa pagbebenta ng lahat ng klase ng alak.
Ang nasabing kautusan ay epektibo bukas, March 15, 2021 na magtatagal hanggang March 31 pero depende pa ito kung mapapaaga ang pag-lift o kung mapapalawig pa.
Sakop ng kautusan ang mga nagbebenta ng alak sa mga restaurant, KTVs, bar, groceries, supermarket, convenience store, sari-sari store at iba pang establisyimento na nabigyan ng liquor permit.
Ang naging hakbang ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ay bunsod na rin ng pagtaas ng bilang ng COVID-19 sa kanilang lungsod na ngayon ay nasa 554 na ang aktibong kaso.
Paraan din daw ito para malimitahan ang social gathering o pagtitipon ng wala naman kinalaman sa mga hakbang ng gobyerno kontra COVID-19 at makontrol ang galaw ng pubiko.