Nanawagan ang Lokal na Pamahalaan ng Parañaque sa mga residente nito na huwag ng magpalipad ng saranggola.
Bagamat walang batas na nagbabawal, may mga insidente na nagdudulot daw ito ng kapahamakan sa komunidad.
Batid ng Lokal na Pamahalaan ng Parañaque na marami na ang naiinip kaya nagagawang magpalipad ng saranggola sa kani-kanilang bubungan, garahe at sa tapat ng bahay subalit paalala nila na may mga umiiral na patakaran sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine o ECQ dahil sa banta ng COVID-19.
Napag-alaman na sa loob ng mga araw na naka-ECQ, nasa 700,000 bahay at 13 na hospital ang apektado sa 47 brownout cases dahil sa mga saranggolang sumabit sa mga Meralco powerlines sa lungsod ng Parañaque.
May ilang oras o araw din nagtitiis sa brownout ang mga apektadong residente at hospital dahil sa mga pasaway na nagpapalipad ng saranggola.
Muli din nanawagan at pinaalalahanan ng Lokal na Pamahalaan ng Parañaque ang mga magulang na sabihan ang kanilang mga anak dahil kadalasan na nakikita at nasisita ng mga opisyal ng barangay na nagpapalipad ng mga saranggola ay mga bata.