Lokal na pamahalaan ng Paranaque, patuloy na nagbabantay para hindi makapasok sa lungsod ang 2019 n-CoV

Muling pinaalalahanan ng City Health Office ng Paranaque ang publiko na manatiling kalmado, mapagmatyag at maingat sa hinggil sa mga kumakalat na balita tungkol po sa 2019 Novel Coronavirus.

Una nang nakipagpulong ang lokal health board sa mga kinatawan ng Department of Health (DOH), at sa mga doktor sa mga pribadong/publikong Ospital sa Lungsod ng Parañaque para pag-usapan ang mga dapat na gawin para hindi lumaganap ang virus.

Sa pahayag ng lokal na pamahalaan ng paranaque, wala pang naitatalang mamamayan sa kanilang lungsod ang naging biktima at nagtataglay ng sintomas ng nasabing sakit.


Pero patuloy nilang pinapaalalahanan ang bawat residente sa lungsod na maging maingat sa bawat pagkilos na kanila pong gagawin.

Huwag din daw basta maniwala at magpalaganap ng mga pekeng impormasyon gamit ang social media dahil maaari itong magdulot ng takot sa mga mamamayan sa lungsod.

Patuloy din nagbabantay ang Lokal na pamahalaan sa sitwasyon kung saan partikular din nilang tinututukan at minomonitor ang lugar kung saan pansamantalang nananatili ang mga Chinese Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) workers.

Payo pa ng Paranaque City government, maaaring tumawag ang kanilang mga residente sa DOH Hotline sa numerong 8711-1001/8711-1002 para sa iba pang kaalaman at katanungan.

Facebook Comments