Lokal na Pamahalaan ng Pasay, gumagawa na ng hakbang para mapanagot ang mga abusadong traders at mapagsamantalang negosyante

Ipinag-utos ni Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano sa pulisya, mga opisyal ng barangay at palengke na panagutin ang mga abusadong traders at mga tindahan na sobra-sobrang magpatong ng presyo ng kanilang mga produkto sa gitna ng pagtaas ng halaga ng karne ng baboy at iba pang basic commodities.

Bukod dito, pinamo-monitor na rin ng alkalde ang presyo ng mga binebentang baboy, manok at iba pang produkto sa lahat ng pampubliko at pribadong palengke, mga supermarket, grocery store at mga talipapa sa lungsod.

Ayon pa kay Mayor Emi, plano na rin ng lokal na pamahalaan na bumuo ng sub-task force na siyang hahabol sa mapang-abusong traders para mabigyan ng kaukulang parusa ng naaayon sa batas.


Nais rin ng lokal na pamahalaan na tutukan ang mga nagmamanipula sa suplay at presyo sa mga agricultural products para maparusahan ang mga ito lalo na at ang mga consumers ang siyang nahihirapan.

Ang hakbang ng lokal na pamahalaan ng Pasay ay isinagawa matapos makatanggap ng ilang impormasyon at reklamo mula sa mga residente dahil sa biglaang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Suportado naman ng lokal na pamahalaan ang ipapatupad ng gobyerno na price ceiling sa mga produktong baboy at manok sa National Capital Region (NCR) na magtatagal ng 60 araw.

Facebook Comments