Lokal na pamahalaan ng Pasay, naglabas ng bagong quarantine at work pass

Bilang bahagi ng pagpapatupad ng mga mahigpit na panuntunan ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ), maglalabas ng bagong quarantine at work pass ang lokal na pamahalaan ng Pasay.

Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, ito’y para masiguro na ang mga lalabas lamang ng kanilang tahanan ay yung mga pinapayagan sa ilalim ng protocols ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Paraan din ito para malimitahan ang paglabas ng mga residente at isa kada pamilya ang papayagan.


Inatasan na rin ng alkalde ang presidente ng Liga ng mga Barangay na si Councilor Julie Gonzales na agad na makipag-ugnayan sa pamunuan ng lahat ng 201 barangay ng Pasay upang ipaalam ang nasabing bagong mga quarantine at work passes.

Sa ngayon, nasa 2,110 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pasay City, 423 ang probable, 16 ang suspected, 76 ang namatay at 1,111 ang nakarekober sa sakit.

Facebook Comments