Lokal na pamahalaan ng Quezon City, naglabas na ng guidelines para sa pagtatayo ng community pantries

Naglatag na ng mga alituntunin ang Quezon City Local Government Unit (LGU) para sa community pantries sa lungsod matapos ang insidente ng pagkamatay ng isang senior citizen sa birthday community pantry ng aktres na si Angel Locsin kahapon.

Kabilang si Ana Patricia Non sa stakeholders na ipinatawag para ipaliwanag ang mga alituntunin sa lahat ng pantries sa lungsod lalo na sa minimum health protocols at tamang sanitation o kalinisan ng kapaligiran.

Sa kautusan ni QC Mayor Joy Belmonte, hinikayat nito ang mga magtatayo ng community pantry na kailangan munang lumiham ang mga ito sa barangay kung saan nila gagawin ang bayanihan kasama ang mga taong nasa likod nito.


Ngunit paglilinaw ng alkalde, hindi permit ang layunin ng liham kundi koordinasyon lamang sa barangay para magkaroon ng crowd control measures tulad ng paglalagay ng cut off time sa mga taong nakapila, limitadong bilang ng mabebenepisyuhan kada araw at marshalls na siyang magpapatupad ng health protocols at pag-disperse kung overcrowding.

Ang mga organizers at mga magtutungo sa mga community pantry ay kailangang nakasuot ng face mask at face shield.

Ipagbabawal din ang pagdadala ng pagkain at inumin sa bisinidad ng community pantry habang pagbabawalan ang mga pipila na hawakan ang mga naka-display na ipinamimigay.

Papayagan lamang ang operasyon ng community pantry mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi dahil sa ipinatutupad na curfew.

Facebook Comments