Lokal na pamahalaan ng Quezon City, nananawagan sa mga residente nito na nagpunta sa community pantry ni Angel Locsin na sumailalim sa libreng swab test

Nananawagan ang Lokal na pamahalaan ng Quezon City sa lahat ng mga nagpunta sa isinagawang birthday community pantry ng aktres na si Angel Locsin sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City na sumailalim COVID-19 swab test na kung saan ibibigay ng naturang lungsod ng libre.

Ayon kay Dr. Rolando Cruz, chief of the City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU), hindi pwedeng isantabi ang malaking posibilidad na nagkahawahan dahil sa dami ng pumunta at dikit-dikit ang mga ito.

Aniya, mabuti na masiguro na hindi natin mahawahan ang ating pamilya at mga kasama sa komunidad.


Dagdag pa ni Dr.Cruz, sa mga nakakaranas ng sintomas tulad ng ubo ay mas maigi na kumonsulta sa medical personnel.

Sa mga gustong kumuha ng libreng swab test sa mga residente ng nasabing lungsod ay maaaring mag-book ng appointment sa pamamagitan ng online sa CESU reservation form o pwede din tumawag sa City’s contact tracing hotlines sa 8703-2759, 8703-4398, 0916-122-8628, 0908-639-8086 o 0931-095-7737.

Matatandaan, noong Biyernes, dinumog ang isinagawang birthday community pantry ng nasabing aktres kung saan nawala na ang ipinatutupad na health and safety protocols at may nasawi na isang senior citizen.

Naglabas na rin ang Quezon City – LGU at Department of Interior and Local Government (DILG) ng guidelines para sa pagtatayo ng community pantries para malaban ang pagkalat ng COVID-19.

Facebook Comments