Nakahanda na ang Taal, Batangas sa oras na pumutok na ang Bulkang Taal.
Ayon sa lokal na pamahalaan, bukod sa pinulong na ang mga barangay chairman ng 42 barangay ng bayan ng Taal, nagkaroon din ng information drive sa lagay ng bulkan.
Nakapwesto na rin ang mga relief goods at pangunahing pangangailangan gaya ng bigas, mga de lata, hygiene kits, tents, solar lights na naka-stand-by sa Convention Center ng lalawigan.
Ayon kay Taal Mayor Pong Mercado, nagkaroon na sila ng Memorandum of Agreement (MOA) sa mga grocery stores para mapagkunan ng suplay ng pagkain.
Habang maging ang mga may-ari ng mga pribadong sasakyan ay nakipagkasundo na rin sa lokal na pamahalaan para may magamit sa paglikas.
Sa ngayon, base sa tala ng Taal Local Government Unit, nasa 60,000 residente ang kailangang ilikas kung puputok na ang bulkan at sa bayan ng Bauan ang magiging evacuation center.