Patuloy na pinaalalahanan ng pamahalaang lungsod ng taguig ang kanilang mamamayan na maging maingat hinggil sa 2019 Novel Coronavirus.
Mahigpit ang monitoring ng mga opisyal sa buong Taguig at patuloy silang nakikipag-ugnayan at nakikipagtulungan sa mga stakeholders upang maiwasan at malabanan ang pagkalat ng virus.
Handa din ang lahat ng 31 health centers ng lungsod at ang Taguig-Pateros District Hospital (TPDH) na tumanggap ng mga residente na maaring makaramdam ng mga karaniwang sintomas ng nCoV.
Payo pa nila sa publiko na kung mayroong sinumang nakararanas ng sintomas ng sakit ay agad na magtungo sa pinakamalapit na Barangay Health Center o sa TPDH para sa agarang check-up.
Ipinapaalala rin ng lokal na pamahalaan ng Taguig na hindi dapat mabahala o matakot ang sino man dahil patuloy ang pakikipag-tulungan, pakikipag-ugnayan at paggawa ng linya ng komunikasyon ng lokal na pamahalaan sa bawat sektor upang mapanatiling safe city ang Taguig.