Pinaplantsa na ng lokal na pamahalaan ng Taguig ang mga guideline para sa pagsasagawa ng contact sports at zumba matapos itong payagan ng gobyerno.
Ito’y sa ilalim ng Alert Level 2 system na ipinapatupad sa Metro Manila kontra COVID-19.
Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na ang ilang tauhan ng Taguig Local Government Unit (LGU) sa mga opisyal ng barangay para mailabas na ang mga patakaran hinggil sa mga nasabing aktibidad.
Pero muling ipinapaalala ng lokal na pamahalaan ng Taguig na kinakailangan pa rin sundin ang guidelines sa health protocols upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19.
Una na ring inihayag ng mga opsiyal ng Taguig na kanila na rin inirekomenda na itigil na ang pagsusot ng face shield kung saan hinihintay na lamang nila ang desisyon ng IATF.
Umaasa ang mga residente sa lungsod ng Taguig partikular ang kabataan na mailalabas na ang mga patakaran para magkaroon ng pagkakataon na makalaro ng mga contact sports.
Sa kasalukuyan, nasa 239 ang aktibong kaso sa lungsod ng Taguig na pawang asymptomatic, 410 ang nasawi habang 50,757 ang nakarekober at 51,506 ang naitalang kumpirmadong kaso ng COVID-19.