Inihayag ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) na nagbigay ang lokal na pamahalaan ng Limay, Bataan ng laptops at libreng internet access bilang supporta ng Learning Continuity Program ng ahensya.
Ayon kay DepEd Undersecretary Alain Pascua, nagkaloob si Limay Mayor Nelson David ng 650 units ng laptops sa para sa mga guro ng school district ng naturang lugar na pinangunahan ng supervisor nitong si Elma Dizon.
Aniya, dahil dito matutulungan ang mga guro sa naturang lugar sa paghahanda para sa School Year 2020-2021 na gagamitin para sa pinakabagong pamamaraan ng pagtuturo.
Magagamit aniya nila ang laptop sa paglikha ng mga modyul, pagdalo sa webinars, at marami pang ibang gawain habang nasa kani-kanilang mga tahanan.
Sinabi rin nito na ang Local School Board ng Limay ay naglaan pa ng pondo para sa paglimbag ng mga module.
Ito ay tugon sa panawagan ng Schools Division ng Bataan at ang Provincial School Board na unahin ang paglilimbag ng learning materials.