Manila, Philippines – Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga Manileño na nagpapakunsulta sa mga pampublikong ospital ng lungsod.
Ito ang lumabas sa ulat na sinumite sa pamahalaang lungsod ni Dra. Regina Bagsic, ang overall coordinator ng mga City hospitals.
Dahil dito ay naalarma ang lokal na pamunuan ng Maynila sa pagdami ng mga pasyente sa anim na pampublikong ospital ng Lungsod.
Kaya naman nanawagan ang Manila City Govt. sa mga Manileño na lumapit sa mga Community Health Centers para sa mga simpleng karamdaman para hindi na mag – antay ng matagal sa mga malalaking ospital sa Maynila.
Ayon sa Manila City Govt. may sapat na pondo at kakayahan ang 59 Community Health Centers (CHCs) at 12 lying-in clinics ng pamahalaang lungsod upang gumamot sa mga simpleng karamdaman at magbigay ng iba’t ibang serbisyong medikal.
Ayon naman kay Dra. Bagsic, may kakayahan ang mga Brgy Health Centers na magbigay ng libre at de-kalidad na primary healthcare services tulad ng immunization, sanitation, maternal care (pre-and post-natal), dental, at iba pa.
Namamahagi na rin ang mga naturang health centers ng libreng maintenance medicines sa mga Senior Citizens o mga pasyenteng may malubhang karamdaman.